'Wala na ngang ayuda': Online sellers pumalag sa bagong BIR memo

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 06:18 PM | Updated as of Jun 12 2020 09:59 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Dating grade school teacher si Venice Balboa pero dahil resigned na sa trabaho, minabuti na niyang pagkakitaan ang pagkahilig niyang mag-bake.

Noong Mayo, sa gitna ng community quarantine, nagsimula siya magtinda online ng mga ube cheese pandesal, banana loaf, blueberry cheesecake, at iba pa.

"Marami ring nag-push sa akin na magbenta... Nag-boom naman siya, nung first week nakabenta kami ng 200 pieces na pandesal so parang natuwa ako, tinuloy ko na," ani Balboa. 

Ang events coordinator at makeup artist naman na si Mara Manuel, sa online nagtitinda ng meat products, mga ulam, at homemade chili oil kasama ang kapatid niyang photographer.

"Wala kaming work, walang events muna at this time dahil sa pandemic kaya nag-venture kami sa online selling," ani Manuel.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), madami ang dumidiskarte online para makaraos sa krisis na dala ng pandemyang COVID-19.

Kaya marami ang tila hindi natuwa sa inilabas na revenue memorandum circular ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Hunyo na pinaalalahanan ang online sellers na magparehistro at magdeklara ng kanilang mga transaksyon.

"Iyung tataxan kami is a big no. Bukod po sa wala pa sa minimum wage 'yung kinikita namin, wala pa po kaming benefits," ani Balboa. 

"Konti lang talaga ang kinikita sa online selling sa totoo lang," hinaing naman ni Manuel.

Tanong naman ni Sen. Risa Hontiveros, bakit hindi unahin ng gobyernong habulin ang tinatayang P50 bilyong kulang na buwis ng mga Philippine offshore gaming operators (POGO).

"Imbes na online sellers, baka pwedeng singilin muna ang mga POGO na may P50 billion in unpaid taxes? Hindi 'yung dagdag-perwisyo pa sa sarili nating mga kababayan na kaunti na nga lang ang kita para pandagdag-gastos sa pamilya nila," ani Hontiveros. 

Sabi naman ni Sen. Joel Villanueva, wala na ngang natanggap na ayuda, ita-tax pa ang mga online seller na hindi naman milyon ang kinikita.

"Pasalamat nga tayo at madiskarte ang mga Pilipino. Wala na ngang ayuda, ita-tax niyo pa. Hindi naman milyon-milyon ang kinikita ng maliliit na online sellers."

Bukod sa BIR, nilalakad na rin ng DTI na irehistro sa kanila ang online sellers para maproteksyonan ang mga konsumer at nagnenegosyo.

"Aside from the fact that this will guide us kung saan natin hahanapin yung mga sellers in case of consumer complaints or consumer concerns but also this will help us improve the industry, mas madali natin silang mako-contact," ani DTI undersecretary Ruth Castelo. 

Sa datos ng DTI, lumobo ang customer complaints sa online transactions sa mahigit 8,000 ngayong quarantine period mula sa dating halos 1,000 lang noong Enero hanggang Maros 2020.

Nauna nang nilinaw ng Palasyo na sakop lamang ng memo ang mga may kitang P250,000 pataas sa loob nang isang taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.