Pagkuwestiyon sa Anti-Terror Bill, 'kaduda-dudang' COVID-19 protocols: paksa ng 'Mañanita' protests

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 01:59 PM | Updated as of Jun 12 2020 07:48 PM

Iba't ibang pakulo ang naisip ng ilang nagprotesta sa may University of the Philippines - Diliman para ilaban ang kanilang pagtutol sa kontrobersiyal na Anti-Terror Bill. Job Manahan, ABS-CBN News

Kahit inulan at binalaan ng mga awtoridad, hindi natigil sa pagpoprotesta ang ilang grupo sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila Biyernes, Araw ng Kalayaan, para ilaban ang kanilang pagtutol sa kontrobersiyal na Anti-Terror Bill, maging ang umano’y kuwestiyonableng pagpapatupad ng quarantine protocols ngayong may banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Watch more in iWantTFC

Sa may University of the Philippines - Diliman, isinagawa ang “Mañanita protest” na hango sa umano’y paglabag ni Metro Manila police chief Debold Sinas sa quarantine protocols matapos magsagawa ng birthday party sa kabila ng inilatag na physical distancing protocols ng gobyerno. 

Hango sa kanilang pakulo, naghanda ng pagkain at nagdala ng rosas ang mga nagprotesta. 

Bitbit ang mga placard at streamer nakatayo sa gitna ng magkabilaang lane ng University Avenue ang mga miyembro ng mga grupo habang nakikinig sa talumpati ng kanilang mga leader. 

Ilan din sa mga binatikos ng ibat ibang grupo ang isinagawang Mañanita party ng NCRPO, ang kakulangan ng ayuda habang may pandemya, ang kakulangan sa kahandaan sa pagtugon sa sektor ng edukasyon, paggawa at tranportasyon ngayong may coronavirus disease 2019. 

Isa sa mga naging gimik nila sa programa ay ang paggaya ni Mae Paner o mas kilalang Juana Change kay NCRPO Chief Debold Sinas. Binatikos nila ang opisyal at ang mga dumalo sa mañanita party noon na na-abswelto sa paglabag sa protocol.

Agaw pansin din ang ilan na mga nagbihis ng Voltes V at dinosaur. Sumayaw din ang ilang mga lumahok. May ilan ding personalidad na dumalo. 

Mahigpit na sinusunod ng mga grupo ang physical distancing at pagsusuot ng face mask.

Hindi rin nagpapigil sa masamang lagay ng panahon ang ilang mga raliyista kontra sa Anti-Terror Bill sa Lungsod ng Maynila. 

Nauna nang nag-rally umaga ng Biyernes ang mga miyembro ng grupong Anakbayan, Kabataan Partylist at iba pang kaalyadong grupo sa harap ng De La Salle University sa Taft Avenue. . Kahit na umaambon, itinuloy ng grupo ang kanilang kilos protesta bilang pagtutol sa Anti-Terror Bill. 

Dahil mas kakaunti ang grupo kumpara sa mga nasa UP-Diliman, hindi rin naging mahirap na sundin para sa mga ito ang tamang physical distancing.

Agad din namang nakapag-deploy ang Manila Police District ng kanilang mga anti-riot police sa lugar. 

Pinanood lang ng mga ito ang grupo ng mga raliyista at payapa ding tinapos ng mga ito ang kanilang kilos protesta. 
Plano ng mga ito na sumama sa mas malaking grupo ng mga kasama sa Mañanita party sa UP.

ONLINE PROTESTS

Sa Zoom naman dinala ng ilang resource person ng “Ipaglaban ang Pinas!” rally ang kanilang panawagan, partikular na sa pagtutol sa Anti-Terrorism Bill at ang pagkondena sa hakbang ng Tsina. 

Kasabay nito, naglunsad sila ng online petition na layong panagutin ang Tsina sa pagpinsala ng mga reef sa West Philippine Sea. 

"Ang mga Pilipino naman ngayon ang naniningil sa China," ani Hontiveros. 

— Ulat nina Job Manahan, Kevin Alabaso, Raya Capulong, Johnson Manabat, at Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.