'Paalala lang': Gobyerno iginiit na 'di nila pinag-iinitan ang online sellers

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 04:24 PM | Updated as of Jun 12 2020 05:22 PM

MAYNILA — Nilinaw ng pamahalaan na hindi nila pinag-iinitan ang mga maliliit na online seller matapos lumabas kamakailan ang direktiba ng Bureau of Internal Revenue (BIR). 

Sa ilalim ng memo, pinaalalahanan ng BIR na dapat magparehistro ang mga online seller sa kanila bago mag-Hulyo 31 para hindi mamultahan. 

Hinihikayat din ang mga ito na ideklara ang kanilang mga nakaraang transaksyon para mabuwisan. 

Binatikos ito ng maraming online seller, at nagtataka sila kung bakit tila mas mahigpit pa ang pamahalaan sa mga tulad nila kaysa pagtugis sa mga Philippine offshore gaming operators na labis ang hindi nababayarang buwis. 

Ayon kay Antonette Tionko, Revenue Operations Group Undersecretary ng Department of Finance (DOF), kung saan napapailalim ang BIR, ang viral na memorandum circular ay paalala lamang.

"The goal of this project is not to go after online merchants for unreported sales or unpaid taxes. We just want to encourage those who are engaged in online businesses to register with the BIR," giit ni Tionko.

Sabi pa ni Tiokno, ginawa ang paalala dahil biglang lumobo ang bilang ng mga sumusulpot na online sellers noong community quarantine dahil sa pandemyang COVID-19.

"Online transactions have increased for quite some time now, especially during the community quarantine period. That’s why we want to take this opportunity to remind them to register their businesses," dagdag niya. 

Nauna nang nilinaw ng Palasyo na ang sakop lang ng BIR memo ay ang mga online shop na may kitang P250,000 pataas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.