OFW na may COVID-19, lumabag sa home quarantine sa Aklan

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 11:19 PM | Updated as of Jun 13 2020 12:54 AM

Mahigpit na binabantayan ngayon ang kondisyon ng isang 28 anyos na overseas Filipino worker sa Aklan Provincial Hospital matapos nalamang nagpositibo ito sa COVID-19 noong Martes.

Naka-home quarantine na rin ang 10 tao na kaniyang nakasalamuha at nakuhanan na ng swab samples para malaman kung nahawaan sila ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon, provincial health officer ng Aklan, ginawa nila ang protocol matapos nakumpirmang lumabas ng bahay ang OFW isang araw bago matapos ang kaniyang 14-day quarantine.

Huli na nang nalaman ng pasyente na positibo pala siya sa COVID-19.

Giit ni Cuachon, dapat hindi lumabas ng bahay ang OFW dahil hindi pa natapos ang kaniyang quarantine.

Nalamang galing ng Germany ang pasyente. Dumating siya sa Maynila noong Marso 30. Nagnegatibo siya sa COVID-19 test noong Mayo 10 kaya naging kabilang siya sa batch ng OFWs na umuwi sa Aklan noong Mayo 26.

Pagdating sa Aklan, isinailalim ang OFW sa swab test at pinauwi rin para mag-home quarantine habang hinihintay ang resulta ng test, ayon kay Cuachon.

Nitong Hunyo 7, nalamang nagpositibo sa COVID-19 ang OFW, dagdag ni Cuachon.

Nilinaw rin ng doktor na hindi nakalabas ng bayan ng Lezo ang nasabing pasyente.

Aminado si Cuachon na may pagkukulang ang Barangay Health Emergency Response Team sa pag-monitor sa pasyente.
 
"Dapat naka-alert 'yung barangay na dapat bantayan talaga nila kung naka-home quarantine," aniya.

Pinaalahanan ni Cuachon ang mga nagsasailalim sa 14-day quarantine na sumunod sa protocol para maiwasang maulit ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.