Mga vendor balik-lansangan para makabangon mula sa lockdown

Ina Reformina, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 07:12 PM | Updated as of Jun 12 2020 09:45 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Nagbalik-kalsada na ang ilang naglalako ng pagkain para muling kumita matapos ang ilang buwang pagkukulong sa bahay dahil sa lockdown bilang hakbang kontra sa pandemyang COVID-19. 

Nagbalik na sa paborito niyang puwesto sa kanto ng Sct. Rallos at Sct. Tuason ang 64 anyos na si Tammy Sabalbarino para muling magbenta ng kape, noodles, at soft drinks.

"Nangagamote ako, masakit ulo ko, kung ano-anong nararamdaman ko. Kasi sanay ako sa hanapbuhay eh. Madaling araw pa lang po pumupunta na ko dito, binabaybay ko 'yung Quezon Avenue," aniya.

Muling nabuhayan ng loob si Sabalbarino dahil sa unang araw niya noong Lunes, nasa P1,200 ang kinita niya. Gayunman, malayo ito sa dati niyang kita na P3,000 bawat araw bago ang pandemya.

Kapapanganak lang ng misis ni Noel Carpio, at wala rin siyang natanggap na pinansyal na ayuda.

Kaya nang mag-general community quarantine, balik sa paglalako ng mami at pares si Carpio. Nasa P500 ang pasuweldo ng amo niya dati, pero dahil krisis, P300 na lang muna.

"Malaki po pinagkahina po, napakahina po ngayon, buhat po nag-lockdown... Tiyaga lang po, kailangan po eh, may gatasin po," ani Carpio.

Inabutan naman ng ABS-CBN News na naglalako ng mais si Oni Baylan. Nasa P300 hanggang P400 lang ang naiuuwi niya sa pamilya ngayon. Naglalabada naman ang misis niya. 

"Hindi ako natatakot kasi ang nasa Taas naman ang nakakaalam eh. Basta ako, naghahanapbuhay lang ako," aniya.

Sa di kalayuan, nakapwesto naman sina Juliana Caballero at Mary Ann Ellanic. 

Street sweeper si Caballero. Balik na din siya sa pagtitinda ng daing, itlog at iba pa kapag walang duty.

Magfi-fishball naman si Ellanic pati mister at ilang araw na din silang nagbabalik tinda.

"Mahina lang ang benta, paisa isa lang... Kailangan po talagang maghahanapbuhay," ani Caballero.

"Wala pong mangyayari kung sa loob na lang lagi. Buti kung maraming pera, kailangan nasa loob. Kagaya namin, mahihirap, kailangan na po talaga magtrabaho," giit ni Ellanic.

Ilan lang sila sa mga manggagawang nagbalik sa lansangan at unti-unti silang bumabangon para maitaguyod ang buhay sa gitna ng pandemya. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.