Mga umuwing Pinoy seafarer nababahala kung kailan muli makakapagtrabaho

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 08:03 PM | Updated as of Jun 13 2020 12:55 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nakauwi na sa bansa ang mahigit 200 seafarers na na-stranded nang 2 hanggang 3 buwan sa mga barko sa Europa.
    
Bagama't masaya sa pag-uwi, nag-aalala ang marami sa kanila na matagalan bago makabalik sa mga trabaho.    

Isa na dito si Maika Pimentel galing sa cruise ship. Nag-aalala rin siya kung hindi makababalik dahil bumili siya ng bahay.

"Kailangan may pambayad sa bahay baka mag business muna."

Si Mark Seidel naman, sa container vessel nagtatrabaho at umaasa siya na makababalik agad sa loob nang tatlo o apat na buwan.

"Ang seaman kasi don lang may kita pag umuwi wala na ulit."

Ayon naman sa manning agency na nag-charter sa nasabing flight, importante na mapabalik agad ang mga umuwing seafarer, lalo na ang mga nakasakay sa cargo at container vessel para hindi rin maantala ang komersyo sa buong mundo.
    
Kailangan rin daw na mapalitan agad ang mga kasalukuyang nasa barko.

"They're tired, stressed. Imagine 'yung nakakulong ka lang parang sa condo," ani Iris Baguilat, presidente ng Dohle Seafront Crewing Manila.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, unti-unti nang binubuksan ang ilang airport para dumami na rin ang makauwi.

Pinayagan na rin ang deployment ng mga seafarer at operation ng mga manning agency.

Ayon kay Bello, handa ang pamahalaan na tumulong sa mga manning agency sa gastusin nito sa repatriation, accommodation at swab test.

Sabi naman ng ilang taga-seafaring industry, sa normal na pagkakataon ay nasa 45,000 ang mga seafarer na umuuwi ng bansa at ganitong bilang rin ang umaalis.
    
Pero ayon sa Department of Labor and Employment, 16,000 pa lang ang naitalang gustong umuwi ng Pilipinas at karamihan dito ay mga marino. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.