Mga 'impostor' sa Facebook, troll farms pinaiimbestigahan ng mga mambabatas

Zandro Ochona, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 04:17 PM

MAYNILA — Kasabay ng pagkalat ng mga pekeng Facebook accounts ng mga estudyante at kritiko ng pamahalaan, pinaiimbestigahan na ito ngayon sa Kamara ng ilang mambabatas. 

Ito'y matapos maging viral ang pagkakaroon ng duplicate accounts ng ilang mga personalidad sa Facebook na sumabay sa mga protesta nila sa kontrobersiyal na anti-terror bill. 

Sa House Resolution No. 966 na pirmado nina Bayan Muna party-list Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite, at Eufemia Cullamat, hiniling nila na maimbestigahan ng House committee on information and communications technology kung sino ang nasa likod ng mga ito.

Kabilang na dito ang mga sinasabing troll farms sa bansa at ang anila'y panibagong pag-atake sa pamamagitan ng pag-impersonate sa mga account ng mga kritiko ng pamahalaan sa social media.

Nais din nilang siyasatin ang pangha-harass umano ng mga troll sa mga nagpoprotesta.

Matatandaang noong Hunyo 7 unang pumutok sa social media ang pagsulpot ng mga impostor sa Facebook matapos silang alertuhin ng netizens.

Naniniwala ang mga kongresista na mga troll farm sa bansa ang nasa likod nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.