Magsasaka patay matapos masagasaan sa Zamboanga del Norte

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 12:31 AM | Updated as of Jun 12 2020 10:55 AM

Patay ang isang magsasaka matapos masagasaan ng isang sasakyan sa Katipunan, Zamboanga del Norte.

Nasagasaan si Reynaldo Aleta, 68, habang umaatras ang sasakyang minamaneho ni Franklin Aliap, 23, isang pahinante. Sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima.

Ayon sa imbestigasyon, pinakialaman ni Aliap ang nakaparadang sasakyan sa gilid ng daan.

“Inutusan daw siya ng driver. Naka-engage pala ‘yong sasakyan paatras kaya pag-switch niya sa ignition umatras na bigla. Insakto din sa pagdaan ang biktima kaya tinamaan talaga siya,” ani Police Maj. Nestor Gania, hepe ng Katipunan Municipal Police Station.

Pagkatumba ng biktima sa kanyang motorsiklo, nasagasaan ito ng umaatras na sasakyan.

“Napahinto lang ‘yong sasakyan ng mabangga ito sa pader ng bangko. Mabuti na rin, kung hindi marami pa ang matatamaan kasi na-rattle na rin siya,” ani Gania.

Kinasuhan na ng reckless imprudence resulting in homicide and damage to properties ang pahinante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.