Lalaking dayo sa Cavite patay nang makaengkuwentro ng mga pulis sa buy-bust

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 09:08 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Patay ang isang lalaki nang makaengkuwentro ng mga pulis sa buy-bust operation sa Barangay Alapan 1-C, Imus, Cavite noong Huwebes ng gabi.

Nakipagkita ang suspek na si alyas Mark sa poseur buyer bandang 10:00 ng gabi sa madilim na diversion road.

Nanlaban umano ang suspek nang malamang pulis ang kanyang katransaksyon.

Ayon kay Police Col. Gerald Dee, officer-in-charge ng Imus Police, dayo lang ang lalaki mula Parañaque City para magbenta ng droga.

Nakuha pa sa suspek ang dalawang inter-agency task force ID pero aalamin pa kung lehitimo ang mga ito.

“'Pag sinabi kasi nating frontliner at IATF ID, kino-consider natin [authorized persons outside of residence] kaya hindi masyadong stringent sa pag-check,” ayon kay Dee.

Nasa limang gramo ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa suspek na nagkakahalaga ng halos P3,000.

Narekober din ang calibre 45 baril ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.