Ilang mangingisda sa Tacloban, hindi muna pumalaot dahil sa bagyong Butchoy

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 01:15 AM

Ilang mangingisda sa Tacloban ay natuto na sa nagdaang bagyong Yolanda kaya alam na nila kung ano ang gagawin kapag masama ang panahon. Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Ilang mangingisda sa Tacloban City, Leyte ang hindi natuloy pumalaot dulot ng bagyong Butchoy na nagdadala na ng kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas.

Dahil sa banta ng bagyo, minabuti ng mangingisda na si Dionisio Delinggon na ipatong ang kaniyang bangka sa taas ng ginawang kahoy na daungan para hindi maabot ng tubig sakaling lumaki ang alon.

Pati ang kapatid at mga pinsan niya na mga mangingisda din ay hindi muna pumalaot dahil sa nararanasang sama ng panahon.

Ayon sa kaniya, siya at ilang mangingisda sa Tacloban ay natuto na sa nagdaang bagyong Yolanda kaya alam na nila kung ano ang gagawin kapag masama ang panahon.

Noong Nobyembre 2013, madami ang nasawi at nasira matapos rumagasa ang bagyong Yolanda, na tinaguriang super typhoon, sa Leyte at ilang parte ng Visayas.

"Darating ang bagyo umaalis kami rito, inaano namin yung mga bangka inaano namin pinapataas namin dito, tapos uuwi kami doon sa pabahay namin,” ani Delinggon.

Karamihan sa mga mangingisda na nakatira sa tabing-dagat ng Tacloban ay nabigyan na ng pabahay sa Tacloban north resettlement site.

Kaya kung ganito na masama ang panahon lalo na kung may paparating na bagyo, ang miyembro ng pamilya ay agad lumilipat sa relocation site.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.