DSWD: Pamilya ni Michelle Silvertino, nakatanggap ng ayuda

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 01:26 AM

MAYNILA - Nakatanggap na ng ayuda ang pamilya ni Michelle Silvertino, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon sa DSWD, ipinaabot nitong Huwebes ng kanilang mga kawani sa DSWD Field Office V sa Bicol region ang ayuda sa naiwang pamilya ni Silvertino, na isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at nakatanggap rin ng tulong mula sa Social Amelioration program.

Ipinaabot ng ahensiya ang tulong sa ina ni Silvertino na si Marlyn Silvertino ang P15,400 na financial assistance. 

Bukod sa perang natanggap, magiging bahagi rin ng Sustainable Livelihood Program ng ahensiya ang mga kapatid ni Silvertino, na siya na ngayong tumatayong magulang sa kaniyang mga naiwang anak.

Bibigyan rin ng 10 araw na food assistance ang pamilya at educational assistance ang tatlo sa apat na anak ni Silvertino.

Nagpaabot ng pakikiramay ang DSWD sa pamilya ni Silvertino na pumanaw noong Hunyo 5 sa Pasay City habang naghihintay ng masasakyan pauwi sa kaniyang pamilya sa Calabanga, Camarines Sur.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.