Bagyong Butchoy nagdulot ng ulan, baha sa iba't ibang lugar sa Luzon

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 05:42 PM | Updated as of Jun 12 2020 10:05 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sari-saring probinsiya ang nakaranas ng pag-ulan at pagbaha nitong Biyernes dahil sa pananalasa ng bagyong Butchoy.

Maghapong nakaranas ng pabugso-bugsong pag-ulan ang probinsya ng Pampanga, Tarlac, at Bataan.
    
Ilang mabababang barangay din ang binaha dahil sa buhos ng ulan.

Watch more in iWantTFC

Binaha ang bahagi ng Barangay Sta. Filomena sa Guagua dahil sa malakas na ulan. Hindi rin nakaligtas pati bayan ng Macabebe. Pinalala pa ito ng high tide.
    
Sa mga kuhang retrato naman ni Christian Zamora ng Barangay Cutcut 2 sa Capas, Tarlac, kitang pinasok ng tubig ang kanilang bahay sa lakas ng ulan. Umapaw din ang tubig pati sa poso negro.

Gayunpaman, nakapuwesto na ang mga rescue equipment at mga tauhan ng Bataan, Tarlac at Pampanga sakaling bumaha pa sa weekend.

Samantala, binaha din ang mga mabababang lugar sa Nueva Ecija dahil sa malakas na buhos ng ulan.
    
Isa sa mga apektado ang ilang bahagi ng Cabanatuan City.

Sa mga video na ibinigay ng mga Bayan Patroller, kita ang naranasang pagbaha sa ilang parte ng nasabing siyudad.

Pero ayon sa Provincial Agriculture Office, walang napinsalang pananim. Sa katunayan, nakatulong pa ito sa mga magsasaka.

Nagdala rin ng ulan sa Pangasinan ang bagyong Butchoy kaya ang mga residente sa tabing ilog at mabababang lugar gaya sa Barangay Talibaew l, Calasiao ay inalerto agad ng mga awtoridad.


—Ulat nina Gracie Rutao at Noriel Padiernos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.