3-palapag na bahay sa QC gumuho, nilamon ng ilog

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 08:49 PM | Updated as of Jun 12 2020 10:13 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Nag-collapse sa katabing ilog ang isang 3-palapag na bahay sa West Riverside street sa Del Monte, Quezon City matapos gumuho ang lupang kinatatayuan nito kasunod ng mga pag-ulan nitong Biyernes. 

Bumagsak naman ang dingding at bahagi ng flooring ng banyo at kuwarto ng kapitbahay nito.

Ang isa pang abandonadong paupahang kuwarto sa kanan nito, halos mahulog na rin sa ilog matapos bumigay ang lupang tinatayuan.

Pasado alas-3 ng madaling araw Biyernes nang magising sa pagtahol ng kaniyang aso si Alexander Flood, ang nakatira sa bahay na nasa tabing-ilog.

Lumabas siya sandali at makalipas ang 5 minuto, nakarinig si Flood ng malakas na tunog na mula sa bumagsak na pader ng bahay. 

Agad niyang inabisuhan ang mga kapatid sa katabing bahay sa compound na huwag lumapit sa kaniyang tinutuluyan.

Maya-maya pa ay gumuho na ang 3 palapag na istruktura sa ilog.

"Yung aso ko, walang tigil kakakahol, kung hindi dahil sa kaniya, patay na sigurado ako. Nadaganan ako diyan. Buong kapitbahay narinig ang yanig ng bahay. Sa ngayon, parang may konti akong trauma," ani Flood.

Mahina lang ang ulan noong mangyari ang insidente, pero ayon kay Flood, posibleng dahil sa sunod-sunod na pag-ulan at pagtaas ng lebel ng tubig ay lumambot na nang tuluyan ang lupang tinatayuan ng bahay.

Higit 10 taon na ang istruktura at nakatayo sa tatlong metro na easement ng ilog. 

Aminado rin ang anak ng may-ari ng bahay na si Lindsay Ong na wala itong building permit.

Itinayo lang umano ang bahay para maging pansamantalang tirahan noon, habang ipinatatayo ang katabing bahay na may titulo at building permit.

Sinabi naman ng building official ng Quezon City na si Arnel Valera na sumulat na noon ang LGU sa pamilya ni Ong para bakantehin ang lupang kinatatayuan ng gumuhong bahay.

"Tinayuan nila ng bahay 'yung setback na 3 meters. Bawal 'yun. Setback 'yun eh. Sumulat na 'yung city, i-clear na ang setback. Delikado kasi may erosion, hindi puwedeng tayuan ng structure. Kasi easement ng creek," ani Valera.

Ang umuupa sa katabing bahay, pinag-iisipan na ring lumipat, pero aminadong mahihirapan maghanap ng tirahan sa panahon ngayon.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.