14 kabataang nagprotesta sa Iligan laban sa anti-terror bill, dinampot ng mga pulis

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 10:16 PM

ILIGAN CITY - Dinala sa Iligan City Police Station 5 ang 14 kabataang nagprotesta Biyernes sa Barangay Palao, Iligan City dahil sa umano'y paglabag ng mga ito sa ipinapatupad na physical distancing.

Sa inisyal na pahayag ni Station Commander Police Maj. Allan Abalde, hindi inaresto ang grupo kundi dinala sa estasyon ng pulisya para bigyan ng citation ticket.

Ayon naman kay Gil Nambatac, miyembro ng grupo, bago sila binuwag ng mga pulis, isang pulis umano ang lumapit sa kanila at nagtanong kung ano ang gagawin ng grupo.

Matapos makapagpaliwanag na ito'y pagpapahayag lamang ng pagtutol sa anti-terror bill, at pagkadismaya na hindi nagpaliwanag si Rep. Frederick Siao sa kaniyang "yes" vote, pinahintulutan din umano silang magprotesta nang 5 minuto lang.

Ayon kay Nambatac, hindi ginalit ng grupo ang mga pulis kaya nagulat umano sila nang bigla silang binuwag at dinala sa estasyon.

Makikita sa isang video na ipinost ng grupo sa social media na magkakalayo ang mga nagprotesta. Hindi na nakunan ang aktuwal na pagdampot sa mga kabataan.

 

"Pilit silang pinaaamin na lumabag sila sa social distancing," ani Nambatac.

Pag-aaralan ng grupo kung may maisasampang kaso sa mga pulis.

Samantala, nakalabas na rin ng estasyon ang mga nagprotesta. Nangako rin si Abalde na maglalabas ng opisyal na pahayag sa nangyari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.