11 barangay sa bayan sa Occidental Mindoro binaha dahil sa 'Butchoy'

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2020 04:15 PM | Updated as of Jun 12 2020 06:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nalubog sa baha ang aabot sa 11 barangay ng Sablayan, Occidental Mindoro dahil sa malakas na ulan na dala ng bagyong Butchoy, ayon sa mga awtoridad. 

 

Nagsimula ang pagbaha noong Huwebes, ilang araw matapos bumuhos ang ulan sa lugar, ayon sa ilang residente. 

Hindi na madaanan ang mga kalsada at lubog ang maraming taniman. 

Pagsapit ng gabi, umabot ng hanggang dibdib ang baha. 

Marami na rin ang humingi ng saklolo kaya agad na nagsagawa ng rescue operations ang mga bombero sa mga residente. 

May tatlong tao rin na na-trap sa ilog nang biglang tumaas ang tubig. 

Nahulog din sa palayan ang isang fire truck habang nagsasagawa ng rescue operation sa mga residente sa kasagsagan ng pagbaha.

Kuwento ng ilang residente, noong una ay ayaw pa nilang lisanin ang kanilang lugar pero nang makitang lumalalim na ang tubig, nag-alsa balutan na sila. 

"Ang ikinatakot namin sir eh yung sobrang bilis ng pagdating ng tubig hanggang sa lumikas po kami hanggang dibdib yung tubig sir natakot sa lakas ng dating ng tubig," ayon sa residenteng si Lerma Duldulao. 

Apektado rin ng pagbaha ang kabuhayan ng mga residente gaya ni Jorge Bocobo, na namatayan ng dalawang alagang baka sa baha. 

"Hindi ko po akalain na magkakaroon ng tubig ng ganung kalakas sa lugar namin. Ibinalita na lamang po sa akin na yung baka ay patay," ani Bocobo. 

Umapaw naman ang palaisdaan ni Rezel Syquia, dahilan para makawala ang ilan sa mga alagang tilapia na iha-harvest sana ngayong Biyernes. 

"Ang laki po ng lugi dyan, wala na po papakinabangan na-harvest na po sana eh 'yan po ang nangyari," ani Bocobo. 

Ayon sa provincial disaster office ng Occidental Mindoro, ang habagat na pinalakas ng bagyong Butchoy ang nagdulot ng ulan. 

Nakalatag na rin ang plano ng LGU para masolusyonan ang taon-taon nang problema sa pagbaha.

"Gumagawa kami ng pamamaraan na ma-identify yung areas na puwede namin magawan ng drainage, mga canal, malaki po ang kailangang budget dyan at isa sa mga paraan para maisakatuparan namin mga proyekto ay sa tulong ng nationl na pamahalaan sa 2021," ani Andy Dangeros, alkalde ng Sablayan.

Binigyan na ng relief goods ang mga apektadong residente. 

Paghahandaan na ngayon ng Occidental Mindoro ang Hulyo dahil dito umano nagiging malakas ang habagat na nararanasan na nagdudulot ng pagbaha sa maraming bayan sa probinsiya. 

Magmula hapon ng Biyernes ay nakakaranas na lamang ng makulimlim na panahon sa Sablayan matapos ang malakas na pagbuhos ng ulan noong umaga. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.