Retiradong pulis, patay sa riding-in-tandem

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 02:35 PM

Sa gilid ng kalye binira ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang retiradong pulis na dati ring punong barangay sa kanilang lugar sa Silay City. Marty Go, ABS-CBN News

SILAY CITY, Negros Occidental – Patay ang isang retiradong pulis matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Bonifacio Street sa lungsod na ito, Miyerkoles ng umaga.

Nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan ang biktimang nakilalang si Lindy Chan, na isa ring dating punong barangay.

Agad na dinala sa ospital ang biktima pero binawian rin ng buhay.

Ayon sa kaibigan ng biktima na kaniyang huling kasama, dumaan ang mga salarin habang naguusap sila sa gilid ng daan.

Pinaputukan ng ilang beses ng isa sa mga naka-helmet na salarin ang biktima at mabilis na tumakas.

Narekober ng awtoridad ang limang empty shell ng kalibre .45 na pistol mula sa pinangyarihan ng krimen.

Inaalam pa ngayon ng pulisya kung may CCTV sa nasabing kalye na posibleng nakahagip sa insidente.

Tinitingnan din ng awtoridad ang anggulo na may kinalaman sa negosyo ang pamamaslang kay Chan. Ito'y matapos na mabatid na may ilang beses na umanong nakatatanggap ng banta sa buhay ang biktima na minsan na ding na-ambsuh pero nakaligtas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.