Pulis huli sa pagbabanta sa 2 tricycle driver sa Cainta

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 03:00 PM

Naaresto nitong madaling araw ng Miyerkoles ang isang pulis matapos umanong pagbantaan ang 2 tricycle driver sa lungsod ng Cainta, Rizal.

Naglalakad pauwi alas-2 ng madaling araw si Police Cpl. Leonard Alonzo nang madaanan ang mga biktima sa may Barangay San Isidro, ayon kay Police Lt. Col. Alvin Ruby Consolacion, hepe ng Cainta police.

Inakala raw ni Alonzo na siya ang pinagtatawanan ng 2 driver kaya nilapitan niya ang mga ito at kinumpronta.

Inilabas ng noo'y nakainom na si Alonzo ang kaniyang baril pero hindi naman itinutok sa mga biktima, ayon kay Consolacion.

"Nag-uusap sila [mga biktima] sa pinaparadahan. Napadaan ang pulis na nakainom, akala niya siya ang pinagtatawanan," ani Consolacion.

"Nilapitan niya at pinakita ang baril. Sabi ng complainants ay tinakot sila," dagdag ni Consolacion.

Matapos ireklamo, dinampot ng Cainta police si Alonzo at nabatid na isa itong aktibong pulis na nakatalaga sa Marikina City.

Nakuha kay Alonzo ang kaniyang service firearm.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanan ng pahayag si Alonzo pero tumanggi itong magpaunlak ng panayam.

Iniurong ng mga biktima ang isasampa sanang kasong grave threat laban sa pulis matapos itong makipag-areglo sa kanila.

Sasampahan pa rin ng Cainta police si Alonzo ng reklamong paglabag sa election gun ban.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.