'Ginigipit kami': Miyembro ng Kapa hinamon ang SEC na maghain ng kaso

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 08:03 PM | Updated as of Jun 12 2019 09:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Hamon ng isang miyembro ng Kapa-Community Ministry na sampahan na sila ng kaso para mapatunayang hindi sila nagsasagawa ng investment scam. 

Ito ay matapos maghain ng kabi-kabilang search warrant ang Securities and Exchange Commission at hingan ng mga financial statement ang kompanya, na itinayo ni Pastor Joel Apolinario para umano makatulong sa mga mahihirap. 

Tingin ni Danny Mangahas, ginigipit lang sila ng SEC. 

"Eh bakit hindi muna po kaya sila mag-file ng reklamo? Hindi po kasi masyadong pormal 'yung ginagawa ng SEC, panay po sila press release," ani Mangahas. 

Iginiit din ni Mangahas na kahit magkano ang maaaring ibigay ng isang miyembro. 

Pero buwelta naman ng SEC na naglalaro sa P10,000 hanggang P2 milyon ang donasyon ng bawat miyembro ng Kapa kada buwan sa nasa 5 milyon nilang miyembro. 

Nangangako umano ang grupo ng 30 porsiyentong interes na malayo sa inaalok ng mga bangko na naglalaro sa 3 hanggang 6 na porsiyento. 

Kinuwestiyon din ng SEC kung bakit ang mga negosyo umano ng Kapa ay nakapangalan lahat sa asawa ni Apolinario, at wala pang dalawang taon nag-o-operate ang mga ito. 

"How come everything is lodged with the wife? For us, this is fraud," ani SEC Chairman Emilio Aquino. 

Dahil sa nangyari, humingi ng tulong si Mangahas sa mga nanalong senador na tinulungan umano ng Kapa na mangampanya, partikular sina Imee Marcos, Bong Go, at Ronald Dela Rosa. 

Pero itinanggi ito ni Dela Rosa. 

“I must tell you straight in the eye, no! Wala... I haven't received any campaign funds coming from Kapa,” aniya. 

Hindi pa naglalabas sa ngayon ng kanilang pahayag sina Go at Marcos. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa mga naunang panayam sa ABS-CBN News kay Kapa Community Ministry founder Joel Apolinario, nanindigan ito na lehitimo ang kanilang mga operasyon. 

"Isa kaming simbahan na gustong tumulong sa mga miyembro para maiahon sa kahirapan," ani Apolinario. 

Pero buwelta naman ni Pastor Apollo Quiboloy, founder ng Kingdom of Jesus Christ, labag sa batas ang sistema na ginagawa ng Kapa at hindi rin umano ito dapat tinatawag na religious group.

Nanindigan din si Quiboloy na pekeng pastor si Apolinario. 

Sumagot naman si Apolinario kay Quiboloy sa kaniyang programa sa radyo at inakusahang pinapaglimos ang kaniyang mga miyembro. 

“Miyembro ni Quiboloy, nagpalimos sa airport para ibigay kay Quiboloy. Ano ang ginawa mo diyan? 'Yung mga members mo sa baba ano ang ginawa mo? Sinusulsulan mo ang presidente na ipasara ang Kapa. Bakit, ano ang purpose mo doon? Kasi wala na ang miyembro mo na nagbebenta ng puto? Naku, Quiboloy!” ani Apolinario. 

Giit ng magkabilang kampo, tinutulungan lang nilang mapabuti ang buhay at pananampalataya ng kani-kanilang mga miyembro.--Ulat nina Bruce Rodriguez at Vina Araneta, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.