Istasyon ng pulis sa Zamboanga City, binulabog ng sawa

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 11:24 PM

ZAMBOANGA CITY - Isang sawa ang bumulabog sa mga pulis sa Police Station 7 sa Barangay Santa Maria, Zamboanga City nitong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa mga pulis, nalilinis nila ang isang bakanteng lote sa likuran ng kanilang istasyon nang biglang lumabas ang isang 9-talampakang sawa.

Tumawag ang mga pulis sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para tulungan silang hulihin ang sawa.

Matapos ang ilang minuto, dumating ang isa sa mga empleyado ng DENR na si Reynante Tura at dahan-dahan niyang hinawakan ang ulo ng sawa.

Tumulong na din ang ilang mga pulis na hawakan ang katawan ng ahas para hindi ito makatakas.

Ayon kay Tura, posibleng nasa tatlong taon na ang edad ng sawa na umaabot sa mahigit pitong kilo ang bigat.

Naistorbo umano ang lungga ng sawa nang nilinis ng mga pulis ang bakanteng lote na nasa likuran ng kanilang istasyon.

Inaasahang dadalhin ni Tura ang nahuling sawa sa wildlife rescue center sa Barangay Pasonanca para obserbahan, bago pakawalan sa water shed area.

Hindi naman makamandag ang ganitong klaseng sawa, pero pinag-iingat pa rin ang paghawak dito dahil sa natural nitong lakas kapag pumulupot sa braso o katawan ng tao.

Sa ilalim ng Republic act 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act, mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli at pagpatay ng mga wildlife animal, gaya nitong sawa.

Maliban na lang kung nasa panganib na ang buhay ng isang tao, apektado ng incurable communicable disease ang ahas at kung bahagi ito ng isang religious o tribal rituals.

Puwedeng makulong o patawan ng malaking multa ang sinumang mahuhuling lumabag sa batas na ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.