Estudyante, nakuhanan ng P500,000 halaga ng 'shabu'

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 11:30 PM

ZAMBOANGA CITY - Mahigit kalahating milyong pisong halaga ng droga ang nasamsam ng mga pulis sa kanilang isinagawang drug buy-bust operation sa Armor Village, Barangay San Jose Gusu, Zamboanga City Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa hepe ng Police Station 6 na si Major Mark Anthony Karanain, naaresto din nila sa operasyon ang isang 19 taong gulang na babae, na nag-aaral pa sa junior high school sa isang pampublikong paaralan.

Ang babaeng estudyante umano ang nakipag-transaksyon sa isang asset ng mga pulis at siya rin ang tumanggap ng P70,000 buy-bust money nang isagawa ang operasyon sa bahay ng suspek.

Pero ayon kay Karanain, nakatakas ang tiyuhin ng babaeng suspek na isa din sa mga target ng operasyon.

Ang tiyuhin din umano ang may direktang contact sa sindikato na siyang nagsu-supply sa kanila ng droga para ibenta.

Nakuha sa kamay ng babaeng suspek ang mahigit 80 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyong piso, pati na ang buy-bust money.

Tumangging magbigay ng pahayag ng suspek. Hindi rin niya sinagot ang akusasyon ng mga pulis na kasabwat din umano ang kaniyang tiyuhin sa pagbebenta ng droga.

Sasampahan ang estudyante at ang kaniyang tiyuhin ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.