Deployment ng mga Pinoy nurse sa ibang bansa balak bawasan

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 07:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinag-aaralan na kung paano mababawasan ang deployment o pagpapadala ng mga Pinoy nurse sa ibang bansa, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Mayroon na kasing kakulangan ng mga nurse sa bansa, sabi ni Bello.

"Nagte-training sila ng 2 years and then they leave so ang pakiusap sa akin ng ating [Philippine Nurses Association] officers ay i-slow down ang deployment ng nurses natin," ani Bello.

"Huwag munang magpo-process," ani Bello.

Pero tutol ang ilang nurse gaya ni Myla Bermejo sa balak na pagbawas sa deployment.

Isa si Bermejo sa dumalo sa Independence Day job fair sa San Andres Sports Complex sa Maynila ngayong Miyerkoles para makahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Dapat, ayon kay Bermejo, ayusin muna ang sitwasyon ng mga nurse sa Pilipinas. 

Sinabi naman ni Bello na suportado niya ang pagtataas ng sahod ng mga nurse.

"Mukha naman itataas ng ating pangulo iyan," ani Bello.

Pero hindi lang mga nurse ang gustong mangibang bayan.

Ang mga dati nang overseas Filipino worker na nakatikim ng mas malaking sahod ay wala ring balak pumirmi sa Pilipinas.

May 15 taon na sa trabaho ang seaman na si Domingo Tambologan, 70 anyos, pero wala pa raw siyang balak magretiro.

"Medicine [ang course] ng pinaparaal ko eh kaya medyo malaking budget," ani Tambologan.

Umabot ng higit 19,000 ang mga aplikanteng nagpunta sa mga job fair. Bukod sa Maynila, may 21 pang job fair na idinaos sa iba-ibang panig ng bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.