Butanding, instant attraction sa beach sa Dagupan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 03:37 PM

DAGUPAN CITY – Naging instant attraction para sa mga boat rider ang butanding na namataan sa Tondaligan Beach sa Barangay Bonuan sa lungsod. 
 
Sa video na kuha ni Aika Tiu noong Lunes, namangha sila sa paglapit ng butanding sa kanilang bangka. Ito umano ang una nilang pagkakataong makakita ng butanding o whale shark na tinatawag ding "Supok" sa Pangasinan.

“Nung papalapit na kami pinapatay na yung makina ng bangka. Sa amin lumapit yung whale shark nakita namin sa gilid namin, nakita namin yung whale shark ang laki, sobra. Ang friendly ng shark hindi namin ine-expect na makakakita kami ng shark,” sabi ni Tiu.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, bata pa ang namataang butanding na tinatayang nasa 10 metro ang haba.

Umaabot hanggang 50-meters ang adult size ng butanding na malimit dumayo sa Lingayen Gulf para manginain ng isda at alamang.

Taong 2006 unang namataan ang pagdayo ng mga butanding sa Lingayen Gulf at maging ng ilang marine creatures gaya ng dolphin.

Senyales umano ito ng pagsigla ng biodiversity.

“Talagang nagmi-migrate iyan depende sa panahon. Sa atin siguro dahil sa mga ilog marami ang mga pagkain, plankton feeder ang mga ito, iyong mga maliliit na isda kasi nanginginain doon sa bunganga ng river kasi iyon ang considered na pinaka-productive,” sabi ni Dr. Westly Rosario, chief ng BFAR National Integrated Fisheries Technology Development Center.

Paalala naman ng BFAR sa publiko na bawal hawakan, pakainin, hulihin at katayin ang butanding na kabilang sa endangered species, base sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Payo rin sa mga bangkero at turista na bigyan ng distansiya ang butanding kung gusto silang pasyalan.

Naka-monitor naman ang BFAR sa Lingayen Gulf lalo’t posibleng hindi raw nag-iisa ang namataang butanding.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.