Talumpati ni Duterte para sa Independence Day, binulabog ng protesta

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 01:19 PM | Updated as of Jun 12 2018 09:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binulabog ng protesta ng militanteng grupo si Pangulong Rodrigo Duterte bago siya magtalumpati nitong Martes para sa ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite.

Hindi napigilan ng matinding buhos ng ulan ang pagpapahayag ng desgusto ng ilang miyembro ng BAYAN-Southern Tagalog sa umano'y "huwad na kalayaan" ng bansa.

"Hunyo a-dose, huwad na kalayaan, Duterte traydor," sigaw ng grupo nang lumabas si Duterte sa balkonahe ng Aguinaldo Shrine.

Isinisigaw rin ng grupo ang pagpapatalsik sa Pangulo.

Bagaman nagulat ay nagpatuloy si Duterte sa kaniyang talumpati.

"Our Constitution guarantees freedom of the press, freedom of assembly, and free expression... We cannot agree at all times for all seasons," ani Duterte.

"We may not understand each other, at least there is a common denominator between us, and that is love for our country," dagdag ni Duterte.

Iniutos din ng Pangulo sa awtoridad na pairalin ang "maximum tolerance" sa mga demonstrador.

Ito ang unang beses na pagdalo ng Pangulo sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan mula nang maupo sa puwesto matapos hindi makadalo sa selebrasyon noong nakaraang taon sa Luneta.

Pangamba sa China

Sa gitna ng pagkabahala ng publiko sa naging aksiyon ng Chinese coast guard sa mga mangingisda sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal) ay nakasama ni Duterte sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa Cavite si Chinese Ambassador Zhao Jianhua.

Ipinarating ni Duterte kay Zhao ang pangamba niya sa umano'y pagkumpiska ng Chinese coast guard sa huli ng mga mangingisdang Pilipino sa Panatag Shoal.

Kamakailan ay usap-usapan ang video ng pagkuha umano ng ilang kasapi ng Chinese coast guard sa nahuling isda ng mga Pilipino.

Ayon sa ilang mangingisda, kinukuha ng mga Tsino ang mga pinakamagaganda nilang huling isda kapalit ng iilang sigarilyo, noodles, at tubig.

Paninigurado naman ni Zhao, nakahanda aniya na parusahan ng gobyerno ng China ang mga Tsino na masasangkot sa harassment.

Umaasa rin ang embahador na hindi makakaapekto sa ugnayan ng dalawang bansa ang insidente.

"We always have bad apples but if we have bad apples, you know what I'm going to do, I'm going to throw into the South China Sea and feed the fish," ani Zhao.

Sa isang pahayag ng Chinese embassy, itinuturing ng embahada na "goodwill" o pakikisama ang pagpayag nila sa pangingisda ng mga Pilipino sa Panatag Shoal.

Ito ay kahit na ang Panatag Shoal ay pasok sa 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas.

-- May ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.