Robredo, nanghimok kontra 'banta' sa kalayaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 09:23 PM | Updated as of Jun 12 2018 09:30 PM

Hinikayat ni Bise Presidente Leni Robredo nitong Martes ang mga Pilipino na manindigan laban sa mga pagsubok na kinakaharap ng bansa.

Hindi napigilan ng matinding buhos ng ulan si Robredo para gunitain ang ika-120 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park, kung saan nagdaos ng pagtataas ng bandila ng Pilipinas at tradisyonal na pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Gat Jose Rizal.

Sa pahayag ni Robredo, sinabi ng bise presidente na nahaharap sa iba't ibang banta ang kalayaan ng bansa.

"Sa panahon ngayon, tila humaharap na naman ang ating kalayaan sa iba’t ibang mukha ng panganib," ani Robredo.

Nabanggit ng pangalawang pangulo na patuloy na lumalaganap ang kahirapan kasabay ng presyo ng mga bilihin at kawalan ng hustisya sa bansa.

Naisasantabi rin aniya ang karapatang pantao ng mga Pilipino.

Nagpasaring din si Robredo sa pag-angkin ng dayuhang bansa sa mga teritoryo ng Pilipinas.

"Tiwala akong taglay natin ang kapangyarihan...at ang kakayahang ipagtanggol ang kalayaan ng ating bansa mula sa samu’t saring banta," dagdag ni Robredo.

Pinangunahan naman ni Sen. Richard Gordon ang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan.

Hinimok din ni Gordon na ipagtanggol ang soberaniya ng Pilipinas sa kabila ng sigalot sa West Philippine Sea.

"Matagal na nating kaibigan ang mga Chinese kaya dapat igalang nila ang ating sovereignty," ani Gordon.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.