Police asset, patay sa pamamaril sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 03:45 PM

Patay ang isang dating police asset matapos pagbabarilin noong umaga ng Lunes sa Barangay San Antonio, Parañaque City.

Kinilala ang biktima bilang si Rodrigo Peligro, isang electrician na dati umanong police asset na responsable sa pagkakaaresto ng ilang drug personalities sa kanilang lugar.

Nakasakay sa traysikel at pauwi ng kanilang bahay si Peligro nang mangyari ang pamamaril.

Nahuli naman sa follow-up operation ng mga awtoridad noong alas-9 ng gabi sa San Pedro City, Laguna ang dalawang suspek, na natunton sa tulong ng mga testigo at intelligence monitoring.

Dawit din ang mga suspek sa mga insidente ng robbery-holdup sa Parañaque, ayon kay Parañaque police chief Senior Superintendent Victor Rosete.

Dagdag pa ni Rosete, kasama sa drugs watch-list ang isa sa mga suspek habang ang isa naman ay dating nakulong sa New Bilibid Prison dahil sa pagnanakaw.

Nakuha sa mga suspek ang isang hand grenade, kalibre .38 na baril, at limang live ammunition.

Sasampahan sa San Pedro City Prosecutor's Office ng kasong illegal possession of firearms at illegal possession of explosives ang mga suspek.

May nakahiwalay ring kaso ng murder na isasampa laban sa kanila sa Parañaque City Prosecutor's Office.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.