Magkamag-anak, arestado sa drug-bust sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 10:26 AM

Tinatayang kalahating milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa apat na magkakamag-anak na suspek sa isinagawang drug bust sa Davao City.

DAVAO CITY – Apat na magkakamag-anak ang inaresto ng awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Biao Eskwela, Tugbok District, Lunes ng gabi.

Nahuli ng awtoridad si Alyas Beth, 62-anyos, at anak nitong si “Nestor”. Nakuha kay Beth ang 6 na sachet ng hinihinalang shabu habang walong malalaking sachet naman ng ipinagbabawal na droga ang nasamsam mula sa kaniyang anak.

Kabilang rin sa naaresto ang manugang at bayaw ni Nestor na sina alyas Normi at Alyas Kaye. Nahuli sila sa akto na gumagamit ng shabu sa loob ng bahay.

Ayon sa pulisya, tinatayang kalahating milyong piso ang nakumpiska nilang shabu mula sa mga suspek na siyang nagsu-supply umano sa 5 barangay sa Davao City.

Mula pa umano sa Cotabato City ang mga nasamsam na droga mula sa mga suspek.

Nahaharap sila ngayon sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.