50 employer sa Independence Day job fair umatras dahil sa ulan

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 01:45 PM | Updated as of Jun 12 2018 09:15 PM

MANILA — (UPDATED) Umatras ang 50 sa 80 employer na dapat sana'y lalahok sa job fair na inorganisa ng pamahalaan sa lungsod na ito para sa Araw ng Kalayaan.

Mas marami pa sa mga aplikante ang mga nakaupong staff na nangangasiwa ng event, na idinaos sa Senior Citizen Garden sa Luneta.

Mas kaunti ang mga lumahok na aplikante at employer ngayong taon kumpara noong 2017 dahil sa masamang panahon, sabi ni Bureau of Local Employment director Dominique Tutay. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero may ilang hindi nagpatinag sa panahon at sumugod sa job fair, gaya ni Joeffrey Escomes na nais maging factory worker ulit.

Anim na taong nagpahinga sa pagtatrabaho si Escomes dahil sa sakit sa puso pero kailangan na umano niyang bumalik para sa pag-aaral ng limang anak.

Nakararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon dahil sa habagat na pinalalakas ng Bagyong Domeng, na nasa labas ng bansa. 

Nilahukan ng mga internally-displaced person mula Marawi ang Independence Day job fair sa Iligan City. Kuha ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

MARAWI

Samantala, kabilang naman sa mga aplikanteng lumahok sa job fair sa Iligan City ang daan-daang internally-displaced person (IDP) mula Marawi City.

Binigyan pa ng sariling lane ang mga aplikanteng IDP.

Kabilang sa mga trabahong inaalok ay mga trabahong may kinalaman sa rehabilitasyon ng Marawi, na napinsala ng limang buwang bakbakan ng militar at teroristang grupong Maute noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga aplikante mula Marawi ay nawalan ng hanapbuhay makalipas ang giyera.

Sumailalim din sa profiling ang mga IDP para maipasok sa mga pagsasanay ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at mabigyan ng mga karagdagang kakayahang hinahanap ng mga kompanya.

Una nang sinabi ng Department of Labor and Employment na nasa higit 100,000 trabaho ang iaalok sa mga aplikante sa mga job fair na idinaos nitong Martes sa iba't ibang panig ng bansa.

-- Ulat nina Raya Capulong, Zen Hernandez, at Roxanne Arevalo, ABS-CBN News