2 naka-motorsiklo, dinadawit sa Nilo slay dahil sa CCTV footage

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2018 06:00 PM | Updated as of Jun 12 2018 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May tinututukan nang persons of interest ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa kaso ng pagpaslang sa isang pari sa bayan ng Zaragoza, Nueva Ecija. 

Ito ay sa pamamagitan ng closed-circuit television (CCTV) footage na nakuha ng mga pulis sa barangay hall ng Barangay Mayamot, Zaragoza, na malapit sa kapilya kung saan napatay si Fr. Richmond Nilo.

Magdaraos sana ng misa si Nilo sa kapilya noong gabi ng Linggo nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Sa kuha ng CCTV, mapapanood ang dalawang taong lulan ng motorsiklo na patungo sa direksiyon ng kapilya at bumalik sa pinanggalingang direksiyon makalipas ang ilang minuto, kasabay umano ng panahong nangyari ang pamamaril.

Ipinakita ni Central Luzon police director Chief Superintendent Amador Corpuz ang footage nitong Martes kay PNP chief Director General Oscar Albayalde

Personal na nagtungo si Albayalde sa Zaragoza para makiramay sa mga kaanak ng biktima at para tiyaking binibigyan ng prayoridad ang paglutas sa kaso ni Nilo.

Tatlong anggulo ang tinitingnan ng pulisya sa pagpaslang at isa rito ay kung may nakaaway dahil sa trabaho ang pari.

"Mayroon siyang tinutulungan din na agrabyado rin sa land dispute so nagkaroon siya ng death threat noon," ani Corpuz.

Ito ang ikalawang kaso ng pagpatay ng pari sa Nueva Ecija matapos mapatay sa pamamaril si Fr. Marcelito Paez sa bayan ng Jaen noong Disyembre.

Isa ring paring Katoliko, si Fr. Mark Anthony Ventura, ang pinatay noong Abril matapos magdaos ng misa sa Gattaran, Cagayan.

-- Ulat nina Henry Atuelan at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.