PANOORIN: 'Bayan Ko,' inawit sa Araw ng Kalayaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2017 10:48 AM

MANILA - Umalingawngaw ang awiting "Bayan Ko" sa Kampo Crame sa pakikiisa ng Pambansang Pulisya sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, Lunes.

Dakong alas-8 ng umaga nagsimula ang programa, kasabay ng pagtataas ng bandila ng Pilipinas.

Naglaan din ng ilang minuto ng katahimikan ang pulisya para sa mga sundalo at kasamahan na nasawi sa pakikidigma sa mga terorista sa Marawi.

Hindi nakadalo sa pagdiriwang si Philippine National Police chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa.

Binasa sa halip ni deputy chief for operations Director General Fernando Mendez ang talumpati ni Dela Rosa.

Sa talumpati, muling ipinaalala ng PNP chief na ang ika-119 Independence Day ay isang pagkakataon upang magbigay pugay sa kabayanihan ng Pilipino para makamtan ang kalayaan laban sa mga mananakop.

Nararapat aniyang ipagpatuloy ang nasimulan ng mga bayani sa pamamagitan ng pagtatanggol sa bayan at pagtulong sa mga hangarin ng gobyerno.
 
Mahigit 1,000 miyembro ng PNP at non-uniformed personnel ng PNP ang nakiisa sa selebrayon na nagtapos sa pagpapalipad ng mga kalapati.