Ombudsman binago ang desisyon sa kaso ng ex-Puerto Princesa mayor-elect

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2017 06:11 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Binago ng Office of the Ombudsman ang naunang desisyon nito sa kaso ni Puerto Princesa Mayor-elect Lucilo Bayron.

Mula sa hatol na guilty sa kasong serious dishonesty at grave misconduct, lumalabas ngayon na guilty na lamang ito sa simple dishonesty.

Dahil dito, ginawa na lang na suspensiyon na 3 buwan ang penalty kay Bayron mula sa dismissal at perpetual disqualification from holding public office.

Nauna nang inutos ng Office of the Ombudsman ang pag-dismiss kay Bayron dahil sa serious dishonesty and grave misconduct matapos niyang hindi ideklarang anak niya si Karl Bayron nang ito ay kaniyang i-appoint bilang project manager ng Bantay Puerto VIP Security Force.

Nagbago naman ang desisyon dahil sa mga bagong ebidensiyang isinumite ng kampo ni Bayron.

Sa isinumiteng Motion for Reconsideration ni Bayron, nilinaw nito na hindi ito guilty sa serious dishonesty dahil kasamang isinumite sa kaniyang kontrata ang kaniyang personal date sheet, kung saan makikita ang kaniyang relasyon kay Mayor-elect Bayron.

Dagdag pa ng nakababatang Bayron, nagsilbing bise-alkalde ng Puerto Princesa ang kaniyang ama mula 2004 hanggang 2013 at alam ng lahat ang kanilang relasyon kaya hindi ito maaaring itago.

Ihinanda rin daw ng City Legal Office ang kontrata kaya tiwala ito na walang mali rito, kaya hindi na niya napansin ang maling nilalaman nito.

Sa usapin naman ng pag-appoint ni Karl kay Rigor Cobarrubias, lumalabas na isa lamang job order at contractual employee si Cobarrubias ayon sa sinumpaang salaysay nito at certification mula sa City Personnel Office.

Hindi rin totoo umano ang office order na ginamit na ebidensya dahil iba raw ang pirma ni Karl kumpara sa pirma sa dokumento.

Dagdag rin ni Cobarrubias, inilipat siya sa City Traffic Management Office noong September 2013 at hindi noong July 2013, dahil na rin umano sa kaniyang kahilingan.

Pebrero 10 nang i-dismiss ng Department of Interior and Local Government si Bayron at kung babasehan ang tatlong buwan na suspensiyon ay dapat na itong makabalik sa puwesto.

Hihintayin na lamang umano ng kampo ni Bayron ang order mula sa DILG upang muli itong makabalik sa panunungkulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.