Mga magnanakaw, naghukay ng lagusan; P300,000 tinangay

Danica Guieb, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 01:14 AM | Updated as of Jun 13 2017 01:15 AM

CAUAYAN CITY – Aabot sa P300,000 halaga ng salapi ang natangay ng mga magnanakaw mula sa isang supermarket sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela Lunes ng madaling araw.

Ayon sa empleyado ng supermarket na si Jinggirl Bauat, bandang 8:00 ng umaga nang mapansin niya ang mga marka ng sapatos sa loob ng supermarket nang pumasok siya. 

Ipinagtaka niya ito kaya agad na tinungo ang direksiyon ng mga yapak. Doon na bumungad sa kaniya ang butas na sahig ng kanilang pharmacy section.

Nakita sa CCTV footage ang paggapang ng mga suspek palabas ng pharmacy section.

“Diniretso pa namin iyong mga yapak tapos iyon nakita naming papunta sa vault, pagbukas namin ng pintuan sira-sira na iyung vault," ani Bauat.

Higit P300,000 umano ang laman ng vault na kinita noong Linggo. Pati ang mga cashbox na nakatago sa ilalim ng mesa ay nilimas din ng mga magnanakaw.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dumaan ang mga suspek sa canal na higit 100 metro ang layo mula sa supermarket, atsaka gumawa ng lagusan papunta sa pharmacy section.

Narekober sa lagusan ang hydraulic jack na ginamit umano ng mga magnanakaw.

Sa ngayon ay bineberipika pa ng pulisya ang pagkakakilanlan sa mga magnanakaw, pero ayon kay Police Chief Inspector Esem Galiza, maaaring kabilang sa nasa "rogues' gallery" ang mga magnanakaw.

Mayroon na umanong mga magnanakaw na gumamit ng parehong estilo sa pagnanakaw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.