Lalaki binaril sa ulo, patay sa Sampaloc, Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2017 12:11 PM

MAYNILA - Patay ang isang lalaki nang barilin sa ulo ng mga hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng nakamotorsiklo sa Sampaloc, Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Jeffrey Ferrrera, 29, kasama sa drugs watch list ng Manila Police District Station 4 na sumuko na umano noon at nangakong magbabago.

Sa CCTV footage bago mangyari ang krimen, makikita ang biktimang palakad-lakad sa Domingo St. na mistulang may ka-text at kausap sa telepono.

Nilingon pa siya ng mga salaring sakay ng motorsiklo nang madaananan siya. Tumigil ang mga salarin at nagpalit ng posisyon ang drayber at angkas.

Hindi na nakunan ng CCTV ang sumunod na nangyari pero ayon sa mga awtoridad, agad ikinamatay ng biktima ang kanyang tama ng bala sa ulo.

"Huminto siya... 'Yung sa motor na riding-in-tandem [gunmen], bumaba binaril siya nang close range," ani Sr. Inspector Pidencio Saballo, chief investigator ng MPD.

Narekober sa crime scene ang isang basyo ng kalibre .45. Nakuha rin ang cellphone ng biktima at pag-aaralan na ng mga awtoridad kung sino ang huling kausap nito bago barilin.

Onsehan sa droga ang inisyal na motibong nakikita ng pulisya.--Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News