DOH: Malnutrisyon, nananatiling problema

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2017 07:07 PM

Hindi pa rin natatapos ang problema ng bansa sa malnutrisyon, ayon sa lumabas na pag-aaral ng international organization na Save the Children.

Sa ginawang end-of-childhood report ng Save the Children, nasa ika-96 ang bansa sa listahan ng 2017 end-of-childhood index rankings.

Ika-9 naman ang Pilipinas sa sampung bansa na may pinakamaraming bansot o stunted sa edad lima pababa. 

Aminado ang Department of Health (DOH) sa laki ng problema sa malnutirisyon sa bansa.
 
Lumalabas sa datos ng 2015 Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na stunted o bansot ang 3 sa 10 bata sa bansa. 

"Ang stunting o 'yung pagkabansot ay outcome ng pagkakaroon ng pangmatagalang kakulangan sa pagkain ng isang bata,'' paliwanag ni DOH National Nutrition Program Coordinator Luz Tagunicar.

Dagdag pa ng DOH, maaaring magsimula ang pagkabansot habang pinagbubuntis ang isang sanggol. 

Maging ang teenage pregnancy, isa umano sa dahilan para maging bansot ang isang bata. 

Pero hindi naman umano dapat DOH lang ang may responsibilidad para masolusyunan ang problema sa malnutrisyon. 

Suhestiyon ni Tagunicar, "Dapat sa farm to market roads na DPWH na project, dapat 'yung hire nila d'yan 'yung mga may malnourished sa family, para ma-o-augment ang income ng family at magiging food secure sila at makakabili ng mas maraming pagkain at masisiguro ang nutrisyon ng pamilya''.

Sinabi rin ni Tagunicar na malaki rin ang papel ng Department of Agriculture na magbigay ng sapat na pagkaing abot-kaya.

Dagdag pa ng DOH, pinakamahalaga ang papel ng mga magulang, dahil nasa kamay nila ang susi para mamuhay nang masigla ang mga bata. 

--Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.