Chief intel officer ng Alaminos police, patay sa pananambang

Noel Alamar, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2017 10:09 AM

2 suspek: Taga-Air Force, dating Marines

Patay ang chief intelligence officer ng Alaminos police sa Laguna matapos tambangan at pagbabarilin ng ilang lalaki sa naturang bayan, Lunes.

Nagsasagawa ng surveillance operation ang intelligence operatives sa pangunguna ni PO3 Eduardo Cruz at 2 iba pa nang pagbabarilin sila ng mga suspek na sakay ng isang Mitsubishi Adventure sa Del Pilar Street, Barangay Poblacion I, ayon kay Alaminos police chief Sr. Insp. Julimar Seloterio.

Nagtamo aniya ng tama ng bala sa dibdib si Cruz at idineklarang dead on arrival sa ospital samantalang nakaligtas ang 2 niyang kasamahan.

Nasakote naman ang mga hinihanalang gunman sa checkpoint.

Nakilala sila bilang sina Airman 2nd Class Lester Catungal ng Philippine Air Force at Jonald Luna, isang dating miyembro ng Philippine Marines.

Nakatakas ang isa pang suspek na si Jim Noel Opena.

Nakuha kina Luna at Catungal ang 1 baby armalite, 1 kalibre 9mm Beretta at ilang bala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.