Candidate soldier namatay dahil umano sa heat exhaustion

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 04:09 AM

ISABELA - Patay ang isang candidate soldier ng 5th Infantry Division ng Philippine Army dahil umano sa heat exhaustion.

Kinilala ang biktima na si Jackson Manallog, 21 anyos at tubong Cabagan, Isabela.

Ayon kay Lieutenant Ignacio Timbol, attending physician ng Camp Melchor Dela Cruz Station Hospital, dinala sa kanila si Jackson matapos siyang mawalan umano ng malay habang nagsasagawa ng ehersisyo noong Huwebes.

Inilipat din siya sa isang pribadong ospital dahil sa pagkakaroon niya ng seizures.

Namatay si Jackson bandang 7 ng gabi noong Huwebes.

Sa isang statement, sinabi ng 5th ID na cardiorespiratory arrest secondary to heat exhaustion ang ikinamatay ni Jackson base sa report ng doktor.

Hindi na ipina-autopsy ng kaniyang pamilya ang bangkay nito dahil naniniwala umano sila na aksidente ang nangyari kay Jackson.

Ikatlo si Jackson sa pitong magkakapatid. Pangarap umano niya na magkaroon ng permanenteng trabaho para matulungan ang pamilya.

Sabi ng kaniyang ina na si Mary, responsable at matulungin ito lalo na sa mga nakababatang kapatid kaya labis silang nangungulila dito.

Buong akala naman ng kaniyang ama na si Ernesto na kakayanin ni Jackson ang matinding pagsasanay lalo’t batak ito sa trabahong bukid. Maayos din umano ang lagay at walang anumang karamdaman si Jackson bago sumali.

"Tumutulong siya sa akin sa mga gawaing bukid, Pero iba talaga siguro yung kanilang pagsasanay sa military," dagdag ni Ernesto.

Nagpahayag naman ng simpatiya ang commander ng 5th ID na si Major General Paul Atal sa pagkamatay ni Jackson.

Tiniyak niya ang tulong at suporta para sa mga naulila ni Jackson.

Sa ngayon, nagsasagawa na ang 5th ID ng mas malalimang imbestigasyon sa nangyari habang ipinagpatuloy pa rin ang candidate soldier course.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.