Binatilyo patay sa pamamaril; mga magulang, nakipaghatakan sa mga suspek

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2017 09:30 AM | Updated as of Jun 13 2017 12:39 AM

MANILA - Dead on the spot ang 15-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng mga gunman na nakipaghatakan pa sa kanyang mga magulang sa San Miguel Extension sa Payatas, Quezon City Lunes.

Ayon sa pulisya, galing sa inuman ang biktimang si James Ivan Matela, isang out of school youth, nang sundan ito ng mga hindi nakilalang salarin habang pauwi na sa bahay.

Kakapasok lang ng biktima sa kanyang tahanan nang sumunod ang 2 armadong lalaking nakasuot ng bonnet at itim na damit, habang ang ibang kasabwat ay nagsilbing look out sa kalsada.

Hinila ng mga salarin palabas ng bahay si Matela.

Sinubukan pa ng kanyang mga magulang na pigilan ang mga lalaki samantalang kumapit naman ang teenager sa kanyang ina at ama.

Pero tinadyakan ng mga suspek ang mag-asawa kaya nabitawan nila ang anak na tuluyang nahatak ng mga suspek.

Pagdating sa labas ng kanilang bahay, dito na pinagbabaril ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan at braso, at nabalian pa ng kamay.

Pitong basyo ng bala ang narekober sa crime scene.

Hindi na nagpaunlak pa ng panayam ang magulang ng biktima dahil sa takot.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo ng krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.