Kotse nagliyab matapos sumalpok sa concrete barrier sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2022 11:19 PM

Kuha ni Eldo Semana
Kuha ni Eldo Semana

Nasawi ang pasahero habang sugatan ang driver ng isang kotse na naaksidente sa Echague, Isabela pasado alas-3 ng hapon nitong Sabado.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection Echague, binabaybay ng kotse ang bahagi ng national highway sa Barangay Castillo nang mag-overtake ito sa sinusundang sasakyan. Pero nawalan ng kontrol ang driver ng kotse at bumangga ito sa concrete barrier ng kalsada.

“Base sa kwento ng mga nakakita, lumalabas na nag-ovetake ang vehicle na ‘yon na kung saan eh nagsanhi nang pagkawala ng kontrol. Tumama sa concrete barrier,” ani Senior Fire Officer Leomar Parralag na hepe ng Intelligence and Investigation Unit ng BFP Echague.

Dumiretso ang kotse sa palayan kung saan ay tumaob pa ito saka nagliyab.

“Siguro ‘yong impact ng pagkasalpok nagkaroon ng sudden ignition, siguro ‘yon ang isa sa tinitignan naming possible cause nang pagkasunog,” ani Parallag.

Naapula ng mga bumbero ang apoy.

Nadatnan naman nilang kapwa nakahandusay na sa palayan ang mga sakay ng kotse.

Dead on spot ang pasahero na kinilalang si Wilson Ballad na isang laborer at residente ng Barangay Babaran sa nasabing bayan.

Nadala sa ospital ang sugatang driver na si Rogelio Ayudan, 43, laborer at residente ng Barangay Buneg sa nasabi ring bayan.

Patuloy ang imbestigasyon ng BFP at Echague Police sa aksidente. -- Harris Julio