PatrolPH

Migrante International, tutol sa paghihikayat pa sa mga Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2022 05:04 PM

Nanawagan ang isang grupo kay incoming Migrant Affairs Sec. Susan "Toots" Ople na huwag sana maging polisiya ng susunod na administrasyon ang paghihikayat pa sa mga Pilipino na sa ibang bansa magtrabaho.

Tungkulin ng gobyerno na sila mismo ang magbigay ng trabaho sa mga Pilipino, sabi ni Migrante International chairman Arman Hernando.

"Nasa Constitution kasi, sa 1987 Constitution at nasa napakaraming international obligation ng gobyerno na magbigay, mag-provide ng jobs sa mismong loob ng bansa niya at hindi dapat maging patakaran na itulak ng gobyerno palabas ang kanilang mamamayan na kumita ng pera at ipadala sa sarili nating bansa," ani Hernando sa isang forum sa Quezon City.

Suportado naman aniya nila ang pagkakapili kay Ople na mamumuno sa Department of Migrant Workers (DMW) gayong personal din nilang kakilala ito, at nakakausap din patungkol sa mga isyu sa mga manggagawa.

Umaasa sila na magiging pareho sila ng paninindigan ng kalihim pagdating sa kapakanan ng migrant workers.

"Kung susundin niya iyong direksyon ni incoming Pres. Marcos sa usapin ng labor migration at siya mismo ay tumitindig na gawing pangmatagalan, gawing permanente, si incoming Sec. Ople nagsabi na labor migration is here to stay, doon direktang taliwas ang tindig ng Migrante," aniya.

"Ang gusto namin mula sa 100 days hanggang sa matapos ang term ni Presidente Marcos makita namin ano ang gagawin nila para pigilan iyong pagdami ng mga Pilipinong napipilitan na magibang bansa at ano ang programs nila para lumikha ng trabaho dito sa Pilipas," dagdag pa ni Hernando. 

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.