PatrolPH

Vice mayor na akusado sa pagpatay kay Charlie Yuson III sa Masbate arestado

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2021 04:06 AM

Inaresto sa islang barangay ng Quinapagian, bayan ng Mercedes, Camarines Norte, Huwebes ang isa sa 7 akusado sa pagpatay kay vice mayor Charlie Yuson III ng bayan ng Batuan, Masbate noong 2019.

Kinilala ito ng Mercedes police na si Nelson Refermoso Cambaya, 58, kasalukuyang bise-alkalde ng Batuan.

Ayon sa pulisya, natunton nila si Cambaya dahil sa pagkikipagtulungan ng Barangay Intelligence Network (BIN). Hindi na nakapalag si Cambaya nang isilbi sa kanya ng mga pulis ang warrant of arrest dahil sa kasong murder at frustrated murder.

Oktubre 9, 2019 nang pagbabarilin hanggang sa mapatay si Yuson ng mga armadong lalaking lulan ng kulay gray na van. Sugatan sa pamamaril ang 2 kasama niyang nag-aalmusal sa tapat ng isang bahay sa Vicente Cruz Street, Sampaloc, Maynila.

Bukod kay Cambaya, na nakapiit na sa Mercedes municipal police station, akusado rin sa pagpatay kay Yuson si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam, anak na si Marco Martin Cam, Junel Gomez, Bradford Solis, Juanito de Luna at Rigor dela Cruz.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.