Drive-thru COVID vaccination sa Borongan City, umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2021 09:42 PM

 

Larawan mula kay Janet Rando-Capones

BORONGAN CITY - Umarangkada na nitong Biyernes ang drive-thru COVID-19 vaccination sa siyudad na ito sa Eastern Samar, para mas dumami pa ang mababakunahan sa lungsod.

Ayon sa mga awtoridad, paraan din ito upang maiwasan ang pagkukumpol-kumpol ng mga tao na posibleng maging dahilan ng mabilis na pagkalat ng virus.

Maayos namang nakapila ang mga sasakyan ng mga residenteng gustong magpabakuna laban sa COVID-19.

Simula ngayong Linggo, Hunyo 13, mahigpit na ring ipapatupad ang pagpagamit ng mga QR code sa mga residente ng lungsod.

 PANOORIN: 

Watch more in iWantTFC

Ang mga magbibiyahe papasok at palabas ng Borongan ay kailangan nang magpakita ng QR Code sa mga border control at checkpoints.

Naglabas na rin ng executive order si Borongan City Mayor Jose Ivan Dayan Agda para ipasailalim sa modified enhanced community quarantine o MECQ ang lungsod simula ngayong June 13.

Ito raw ay dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 cases sa Eastern Visayas.

Nitong Biyernes, umabot sa 412 ang bagong kaso ng naturang sakit sa buong rehiyon.

Ang Maasin City, Southern Leyte ang may naitalang pinakamaraming kaso ngayong araw na umabot sa 59.

Pumangalawa naman ang Tacloban City na may naitalang 45 kaso. Umabot naman sa 29 ang bilang ng bagong kaso sa Ormoc City, habang isa lang ang naitala ngayong araw sa Borongan City.

Kasalukuyang umaarangkada ang national vaccination program ng bansa, kung saan lagpas 4.6 milyon na ang nakakuha ng unang dose kontra sa COVID-19. 

Halos 1.7 milyong Pilipino naman na ang nakakuha ng ikalawang dose ng vaccine. 

- Ulat ni Sharon Evite