PatrolPH

Dami ng nabakunahan sa Muntinlupa sa 1 araw tumaas dahil sa A4 category

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2021 06:47 AM

Watch more on iWantTFC

Nagtala ng record ang bilang ng mga nabakunahan sa Muntinlupa City nitong Huwebes kasabay ng simula ng pagbabakuna sa mga economic frontliners o A4 priority category.

Ayon kay Mayor Jaime Fresnedi, pumalo ang lungsod ng 5,420 vaccinations, ang pinakamarami umanong nabakunahan sa lungsod sa loob ng isang araw mula nang magsimula ang pagbabakuna Mayo.

Ito rin ang nagtala ng pinakamataas na daily turnout o dami ng sumipot sa isang araw mula sa pinapadalhan ng schedule sa text message.

Ayon sa alkalde, nakatulong ang pagsama na ng mga economic frontliner sa mga mababakunahan, dagdag sa mga patuloy na binabakunahang medical workers, senior citizens, at persons with comorbidities.

Sa tala ng lokal na pamahalaan, halos 95,000 na ang nai-deploy na bakuna sa Muntinlupa noong Miyerkules. 

Mahigit 69,000 katao ang nakatanggap na ng unang dose.

Kasama sa mga ginagamit bilang vaccination site ang 3 mall, 1 paaralan, covered court, at health center.

Patuloy na ineengganyo ang mga residente ng lungsod na magparehistro para sa bakunahan lalo’t wala pang 40% ng target ng lungsod ang rehistrado.

Nagsasagawa na rin ng online at manual registration sa pamamagitan ng mga barangay at homeowners associations.

Maaaring pumunta sa website (https://vaccine.muntinlupacity.gov.ph/muncovac) o Facebook page (https://facebook.com/MunCoVac) ng MunCoVac para magparehistro o kumuha ng updates

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.