Bakunahan ng A4 kontra COVID-19, dinagsa sa Quezon City

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2021 10:17 PM

COVID-19 vaccination ng mga miyembro ng A4 sa Quezon City Hall, June 11, 2021. Wheng Hidalgo, ABS-CBN News.

MAYNILA - Kahit umulan, dinagsa ng mga nasa A4 priority list ng gobyerno ang Quezon City Hall para sa unang araw ng COVID-19 vaccination sa siyudad.

Ang mga kumpanya na nasa Quezon City ang nagparehistro ng kanilang mga empleyado kaya grupo-grupo ang pagdating ng mga tao. 

Kahit hindi residente ng lungsod, basta nagtatrabaho sa siyudad ay kabilang sa mababakunahan kontra COVID-19. 

Nagsimula nitong alas-8 ng umaga ang vaccination at tumagal ito hanggang alas-7 ng gabi. 

Ayon sa mga pumila, kahit naghintay sila ng mahigit isang oras, sulit naman daw ito dahil alam nilang may proteksyon na sila mula sa COVID-19, na kumitil na ng higit 22,000 sa bansa. 

Marami ang nag-assist sa mga nakapila para matiyak na nasusunod ang minimum health protocols. 

Sabi ng driver na si Gary Del Monte, ang pagbabakuna ay importante para makabalik na sila sa kanilang paghahanapbuhay. 

"Para dun sa mga nag-aalangan pa, mas kailangan na natin lalo tayong mga A4 kasi lagi tayong lumalabas para maghanapbuhay," aniya. 

PANOORIN: Paano natatapos ang isang pandemic?  

Watch more in iWantTFC

Karamihan sa mga pumila nitong Biyermes ay mga nagtatrabaho sa bangko. 

Nitong umaga lang daw sila sinabihan na may vaccination ang QC para sa A4 category kaya pagkatapos ng trabaho ay dumiretso na sila sa city hall.

"Ginrab ko na rin po kasi every day akong lumalabas kaya kung ano yung lumabas na vaccine ginrab ko na rin po," sabi ni Anna Rhoda Baes, isang bank employee na taga-Pasig. 

Nag-alangan naman daw na magpabakuna si Jacqueline Boquiren, isa ring bank employee, pero nawala rin naman ito. 

"Mabigat" daw ang pakiramdam sa braso ni Boquiren dahil sa bakuna, pero bukod doon ay wala na siyang nararamdaman. 

"Noong una may hesitations tayo pero sa panahon ngayon parang kailangan na narerealize natin na kailangan natin ng vaccine kaya nung sinabing merong sked kaya ginrab po namin," sabi niya. 

Hindi rin daw nila alam kung ano ang brand ng bakuna na ituturok sa kanila pero okay lang daw kahit anong brand dahil ang importante ay protektado na sila dahil sila ay economic frontliners. 

Sinovac ang itinurok sa mga pumila sa city hall.

Karamihan sa kanila ay wala naman daw naramdamang side effects ng bakuna. 

Ang second dose nila ay nakatakda sa July 9.

Kasalukuyang umaarangkada ang national vaccination program ng bansa, kung saan lagpas 4.6 milyon na ang nakakuha ng unang dose kontra sa COVID-19. 

Halos 1.7 milyong Pilipino naman na ang nakakuha ng ikalawang dose ng vaccine.