PatrolPH

Presyo ng baboy posibleng sumipa sa P300/kilo dahil sa epekto ng ASF: grupo

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2020 05:00 PM | Updated as of Jun 11 2020 07:17 PM

MAYNILA - Posibleng sumipa sa P300 kada kilo ang presyo ng karneng baboy sa pamilihan kapag hindi naagapan ang pag-unti ng suplay ng mga baboy sa Luzon gawa ng African swine fever, ayon sa isang agricultural group. 

Ayon kay Samahang Industriya sa Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So, tumaas ang farmgate price ng baboy sa mga palengke sa Kamaynilaan dahil sa kakulangan ng suplay. 

Dagdag pa niya, aabot sa 50 porsiyento ng mga baboy sa Luzon ang na-depopulate kasunod ng pagkalat ng ASF, at karamihan sa mga ito ang inahin. 

"'Yung depopulation natin malaki, ibig sabihin yung natakot na nagaalaga so kung titignan natin ang Luzon ang estimate namin na nawala, 200,000. Sa ngayon takot yung raisers dito sa Luzon na mag-alaga or mag-expand so lahat nagbawas. And of course yung vaccine ng ASF wala pa talagang mahirap mag expand dito sa Luzon," ani So. 

Sumipa umano ang presyo ng baboy sa ilang pamilihan, gawa umano ng epekto ng ASF. Sa ngayon pumapalo ng P280 kada kilo ang presyo ng baboy sa ilang pamilihan. 

MUNOZ MARKET
Kasim: P230/kilo 
Pigue: P230/kilo
Liempo: P260 hanggang P280/kilo 

MEGA QMART
Kasim: P230/kilo 
Liempo: P260/kilo

PASAY CITY MARKET
Kasim: P230/kilo
Pigue: P230/kilo
Liempo: P270/kilo

Sa ngayon, nasa P190 hanggang P225 ang suggested retail price ng baboy. 

Aminado ang ilang nagtitinda na apektado ang kanilang bentahan. 

“Nahirapan po kami mag alok sir kasi namamahalan sila. Sabi nga po sir meron pa daw po tataas pa daw po,” ayon sa tindera na si Jennifer Divina. 

Panawagan ng SINAG, dalhin na sa Luzon ang sobrang supply ng baboy sa Mindanao. 

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, pag-uusapan nila kasama ang mga hog raiser ang isyu sa suplay at kung paano ito mapupunan. 

“Mag-uusap ang grupo namin, sa livestock, mag-uusap sila with the national hog raisers and evaluate where we are in terms of inventory and how to proceed further, re-stocking the hog industry, saan pwede mag-umpisa ulit na wala naman African Swine Fever. Yes, this is a high priority na 'yung shipping from Mindanao to Manila itong mga food items, priority 'yan,” ani Dar. 

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.