PatrolPH

Pagtuturo ng motivational speaker, medical intern patok sa TikTok

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2020 01:37 PM | Updated as of Jun 12 2020 10:08 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Patok ngayon sa video-sharing platform na TikTok ang isang motivational speaker at isang medical intern dahil sa pagbabahagi nila ng kaalaman sa kanilang followers ngayong panahon ng community quarantine bunsod ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon sa motivational speaker na si Lyqa Maravila, TikTok ang kaniyang paraan para magturo ng mga asignaturang tulad ng English at math, lalo na ngayong hindi pa pahihintulutan ang face-to-face learning sa mga eskuwelahan.

"Maraming students na takot sa English, takot sa math. Now parang nakikita nila na, 'Ay kaya ko pala kasi nung nakuha ko siya in one minute, that means I can go back to school and learn things na tinuturo ng teacher ko,'" sabi ni Maravila.

Mula nang magsimula ang quarantine, umabot na sa higit 700,000 ang followers ni Maravila sa TIkTok, bukod pa sa YouTube at Instagram. Dahil dito, tuloy umano ang paggawa niya ng educational videos.

Layon umano ni Maravila na makatulong na maabot ng lahat ang edukasyon.

"Hindi ko kaya by myself... Imagine, if every teacher sets aside just a few hours a week to do what I do, we can reach so many other students," dagdag niya.

Nasa kalahating milyon naman ang followers sa TikTok ng medical intern na si Winston Kilimanjaro Tiwaquen.

Bagaman kuwela ang kaniyang istilo ng kaniyang pagtuturo, malinaw ang kaniyang paliwanag sa mga bagay na may kinalaman sa kalusugan.

"Na-notice ko lang kasi na maraming misconception kasi about sa medical field, about sa mga sakit," ani Tiwaquen.

"From there, I decided to shift 'yong content ko into something more educational," dagdag niya.

Mahalaga ang social media bilang platform para matuto ang mga tao lalo at marami ang walang access sa pormal na edukasyon ngayon, ani Tiwaquen. -- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.