Pagiging botante di dapat gawing rekisito sa pagkuha ng ayuda: Comelec

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2020 03:30 PM

MAYNILA — Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi dapat na ginagawang rekisito ang pagiging botante ng isang residente para makakuha ito ng ayuda mula sa pamahalaan sa gitna ng pandemya. 

Sa panayam ng Teleradyo nitong Huwebes, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na ang voter's certification ay iniisyu ng Komisyon bilang patunay na rehistradong botante ang isang indibidwal. 

Maaari aniya itong gamitin sa pag-a-apply ng pasaporte o kung gusto ng isang local government unit (LGU) na malaman kung botante ang indibidwal sa kanilang lugar o hindi. 

Subalit binigyang diin ng Comelec na hindi dapat na maging requirement ang voter's certification para sa pagtanggap ng ayuda ng gobyerno. 

Sinabi ni Jimenez na para lamang ito sa official purposes at iba pang legal na transaksyon sa pamahalaan. 

HANDA NA 

Sabi pa ni Jimenez, sa Hunyo 15 ay handa na ang Comelec para sa mga mag-a-apply ng voter's certification para sa susunod na halalan. 

Aminado ang Comelec na naantala din ang prosesong ito dahil sa lockdown bunsod ng COVID-19. 

Minabuti ng Comelec na personal muna ang application para dito dahil may isyu naman sa data privacy kung online ang gagawin.

Aminado si Jimenez na wala pa silang available na hotline para dito subalit maaari aniyang magpunta sa Facebook page ng Comelec para sa ilang mga tanong tungkol sa voter's certification. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.