Nasa 200 istranded na pasahero sumilong sa ilalim ng NAIA Expressway

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2020 08:40 AM | Updated as of Jun 11 2020 07:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA — Nakisilong sa ilalim ng NAIA Expressway sa Pasay ang nasa 200 stranded na pasahero ng flights ngayong Huwebes. 

Makikita sa mga larawang kuha ng ABS-CBN News ang ilang bata na kasama sa naturang grupo na dala-dala ang kanilang mga maleta. 

Mayroong mga pamilya, estudyante at overseas Filipinos workers sa grupo, dagdag ni Adrian Martinez, focal person for locally stranded individuals and OFWs ng Pasay city government. 

Karamihan aniya sa grupo ay hindi mula sa Pasay at papunta sa Mindanao. Maaga aniya ang flights ng karamihan sa kanila kaya pinili nilang maghintay sa expressway sa pangambang walang pampublikong sasakyan papunta sa paliparan. 

Una na aniyang dinala ng lokal na pamahalaan sa isang pampublikong paaralan ang mga pasahero na-cancel ang flight. Binigyan aniya sila roon ng mga awtoridad ng pagkain at tulong na mag-ayos ng travel documents

Iniwan din ni Martinez ang kaniyang cellphone sa grupong nasa expressway ngayong Huwebes para matulungan sila sakaling makansela rin ang kanilang biyahe. 

Nakiusap naman siya sa mga airline na bigyan ng matutuluyan ang mga biyahero mapupurnada ang flight. 

"These are paying customers. Sana po 'pag nagka-cancel sila ng kanilang mga booking at flights, maalala nila na itong mga taong ito, wala na silang babalikan kaya nga dapat ang aming pakiusap... bigyan nila ng assistance ito," sabi niya sa panayam ng DZMM. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.