Lalaki patay matapos barilin sa loob ng van sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2020 10:29 PM

MAYNILA - Patay ang isang lalaki matapos barilin ng kaniyang kasamahan sa loob ng sinasakyang van sa Barangay Talipapa, Quezon City Huwebes ng hapon.

Ayon kay Police Lt. Col. Benjamin Gabriel, hepe ng Quezon City Police District Station 3, isang concerned citizen ang tumawag sa kanila pasado alas-5 ng hapon upang i-report ang insidente.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng gray van ang biktima nang barilin ng kaniyang kasamahan sa loob ng sasakyan.

Nakatakas ang salarin at nakuha sa crime scene ang isang basyo ng bala ng baril.

Ayon kay Gabriel, tinutukoy pa ang motibo sa krimen.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng biktima. Tinitingnan naman kung may CCTV footage sa lugar. - Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.