PatrolPH

Ilang guro namigay ng tablet, pocket wifi sa mga estudyante sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2020 12:32 AM | Updated as of Jun 11 2020 06:40 AM

Ilang guro namigay ng tablet, pocket wifi sa mga estudyante sa Ilocos Norte 1

ILOCOS NORTE - Hindi hadlang ang distansiya para kay teacher Josaly Kerney na matulungan ang mga mag-aaral ng Nagsanga Elementary School sa bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte.
 
Pinangunahan nito ang online fundraiser na layuning makalikom ng pera para makabili ng mga pocket wifi para sa mga mag-aaral ng nasabing paaralan.

“So, ito po ay tungkol sa pagtulong ko sa mga families ng Nagsanga Elementary School to have an access to the internet so they can attend online classes," ani Kerney. 

Ikinatuwa ito ng principal na si Ricarte Laciste. Malaking tulong ito sa mga mag-aaral at sa mga magulang.

“Kasi ‘yung mga bata, ‘yung mga parents, they cannot afford to buy their own modem," ani Laciste. 

Tatlong taon nang naninirahan sa Amerika si Kerney. Pasasalamat din niya ito sa nasabing paaralan na kaniyang alma mater. Naging guro rin ito sa isa pang paaralan sa nasabing bayan.

Isang online fundraiser din ang pinangunahan ng chief ng Student Development Office ng Mariano Marcos State University na si Dr. Jan Rich Guira.

Ang mga perang nalikom mula sa mga kaibigan at kaanak abroad at Pilipinas ay ginamit pambili ng mga pocket wifi para sa mga graduating students na limitado ang internet connection.

Halos 60 estudyante ang nakagamit ng mga ito. Muling ipapagamit sa mga susunod na batch para higit itong mapakinabangan.

Sa nasabi pa ring unibersidad, mga tablet ang ipinamahagi ni professor Emile Kathleen Aguilar ng Department of Development Communication sa ilang estudyante nito para may magamit nitong katatapos lang na semester.

Isa na sa mga nabigyan ng tablet ay si Therese Balbas.

“Muntik na rin po akong tumigil dahil wala po akong magagamit na gadgets. Nahuhuli po ako sa mga requirements," ani Balbas.

Bukod sa tablet, namahagi rin ng load si Aguilar. Ang lahat ng ito ay naging posible dahil sa donation drive na kaniyang pinangunahan. 

Labis itong nagpapasalamat sa kaniyang mga kaanak at kaibigan sa kanilang tulong pinansyal. 

Ipinakita rin ni professor Jasper Rabago ng College of Industrial Technology ng nasabing unibersidad ang pagmamalasakit nito sa kaniyang mga estudyante.

Sa pinangunahan nitong online fundraiser, halos 1,000 estudyante nito ang nakatanggap ng load nitong katatapos na semester para lamang matulungan silang makapagsumite ng mga requirement sa kanilang mga online class.

"I gave every student P50 worth of cellphone load. Pero 'yung mga nandito, I did not take the cash. I forwarded the numbers and the names [of students] tapos sila na ang nag-load para ma-feel nila ‘yung essence ng helping hand," ani Rabago.

Tinawag itong "Mobile Sakloload" na ipagpapatuloy nito hanggang sa susunod na school year. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.