Dine-in bahagyang papayagan sa mga lugar na naka-GCQ mula Hunyo 15

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2020 02:32 PM | Updated as of Jun 11 2020 05:42 PM

MAYNILA (UPDATE) - Papayagan na simula Lunes, Hunyo 15 ang unti-unting pagbubukas ng dine-in restaurants sa ilalim ng general community quarantine, ayon sa coronavirus task force ng bansa. 

Sa panayam sa Teleradyo, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na hanggang 30 porsiyentong kapasidad lang ang puwedeng gamitin ng mga restoran, habang sinusunod ang safety protocols ng pamahalaan. 

"Ito po ay ready na po at kailangan po masunod dahil mag-audit po, mag-o-operations audit ang ating mga task force, mga team, kasama na ang mga LGU health officers, DOT, DOLE, DTI," ani Lopez. 

Kailangan din aniyang magpatupad ng mahigpit na health protocols. 

Inulit naman ni Lopez na ipinagbabawal pa rin ang mga buffet. 

Ayon kay Lopez, magkakaroon ng random inspection para matiyak kung sumusunod sa mga panuntunan ang mga establisimyento. 

"Kailangan umpisa sila basta mag-comply na kaagad sila doon sa protocol at subject to random inspection na sila," ani Lopez. 

Unang nilimitahan ang pagpayag ng dine-in operations sa mga lugar na naka-modified general community quarantine, na maituturing na mas maluwag na lockdown ngayong may banta ng coronavirus disease 2019. 

Dito, pinapayagan na buksan na ang dine-in restaurants sa 50 porsiyentong kapasidad. 

Gaya ng mga patakaran sa ilalim ng GCQ, bawal din sa ilalim ng MGCQ ang buffet service. 

Isinailalim sa ngayon ang Metro Manila, at ilan pang lugar sa general community quarantine. Ang ilang nalalabing bahagi ng bansa ay naka-MGCQ. 

ILANG KAINAN NAGHAHANDA NA 

Ang ilang restoran sa Quezon City, naghahanda na para sa pagbubukas sa Hunyo 15.

Ang Abiocco Restaurant sa Quezon City, planong limitahan sa 18 ang bilang ng mga makakaupo sa kanilang restoran - malayo sa 72 seating capacity nila sa loob. 

Babawasan din anila nila ang contact ng customer sa mga waiter. 

May QR scanners din sila para sa “contactless” order. Pero may mga nakahanda naman na menu stand sakaling hindi moderno ang cellphone ng kanilang customer. 

“Dun sa mga medyo malabo ang mata o hindi masyadong hi-tech sa mga ganyan, meron ding isang paraan... Ilalagay namin sa isang stand yung menu at yung menu na yun ay ilalapit namin sa kanila para mabasa nila yung menu at dun din sila pipili ng mga items na oorderin nila,” ayon kay George Caparas, may-ari ng restoran. 

Ipapakita din nila sa mga customer kung paano nila dini-disinfect ang kanilang mga kubyertos. 

Gagamit din ng QR code ang Banapple. 

Kakailangananin ding magsumite ng health declaration form ang customer bago dumaan sa foot disinfection, temperature check at hand sanitation. 

Ang customer din ang kukuha ng tray para mailapag sa mesa at maglalagay din sila ng supot para sa mask ng mga customer. 

“As you will notice dito sa area natin sa dining area, meron tayong distancing in between the tables, so we follow the 1-meter [physical] distancing in between the tables and we only allow per table na 1 customer,” ani Fe Santiago, training manager ng Banapple.  — Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.