PatrolPH

Bentahan ng school supplies tumumal

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2020 01:10 PM | Updated as of Jun 11 2020 06:56 PM

Bentahan ng school supplies tumumal 1
Dagsa ang mga mamimili sa tindahan ng school supplies sa Baclaran, Parañaque City noong Mayo 29, 2019. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Ngayong linggo na lang ulit nakapagbukas ang tindahan ni Miriam Manalo sa Pasay City matapos ang higit 2 buwang enhanced community quarantine, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Dati, pagdating ng Hunyo, mabili na ang mga notebook, ballpen at iba pang school supplies. 

Madalas din daw dating magkaubusan dahil supplier din sila ng mga naglalako ng school supplies sa Baclaran, Parañaque City.

Kung noo'y hanggang P80,000 kada linggo ang kita nina Manalo, ngayon aniya'y masuwerte na kung maka-P8,000.

Malaking dagok umano sa kanila ang desisyong pagsuspende sa mga klase sa mga paaralan sa darating na pasukan.

"'Di tulad ngayon, matumal po, wala po talagang benta," ani Manalo.

"Kulang pa nga pang suweldo sa amin 'yong benta namin ngayon," dagdag niya.

Hinaluan na rin ni Manalo ang kaniyang mga tinda ng accessories, mga laruan, at gamit pambahay para makabawi man lang daw sa kita.

Watch more on iWantTFC

Bukod sa krisis sa COVID-19, iniinda rin ni Maribel Castro kung paano pa makabebenta ng school shoes.

"Ang hirap talaga ng negosyo namin ngayon," ani Castro.

"Dati mas malaki ang kita namin ngayon nawalan kami, lalo nag-declare ng walang pasukan, apektado 'yong paninda namin," aniya.

Ayon kay Castro, mahihirapan sila kung sakaling mangibang produkto dahil wala rin siyang mapagkukunan ng puhunan.

Kung dati-dati ay kaliwa't kanan ang mga nagbebenta ng mga uniporme, makukulay na bag ng mga bata, at iba pang gamit pang-eskuwelahan, kapansin-pansin ngayon na malinis na at wala nang mga nagtitinda sa bangketa sa Pasay City.

Pero para naman sa ilang magulang, malaking ginhawa kahit papaano ang ipatutupad na distance learning — na magsisilbing alternatibo sa face-to-face classes — dahil bawas ang gastos pagdating sa supplies ng mga bata.

Sa ilalim ng distance learning, maaaring matuto ang mga bata sa pamamagitan ng online platforms, printed o digital modules, radyo, at telebisyon.

"Hindi na namin kailangan bumili ng uniforms at gamit sa school," anang magulang na si Maria Lourdes Manabo.

"Nakatipid ngayon dahil wala namang bibilhing gamit sa school supplies, mga uniform. Wala ka nang bibilhin kasi online na lang," anang magulang na si Jaime Corsame.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.